ANG PAGLILIGTAS AYON SA KATUWIRAN NG DIYOS
Ni Leopoldo L. Guevarra
MARAMING KURU-KURO ang ating naririnig kapag ang paksa ng usapan ay kaligtasan ng kaluluwa pagdating ng Araw ng Paghuhukom. May nagsasabi na huwag lang gagawa ng masama o ng kasalanan at magsikap lang na makagawa ng inaakalang mabuti ang sinuman ay ligtas na siya. Sinasabi naman ng iba na sapat nang sampalatayanan ang Panginoong Jesucristo bilang Panginoon at Tagapagligtas upang magtamo sila ng kaligtasan. May mga nagsasabi pa na wala raw kinalaman ang relihiyon para ang tao ay maligtas. Upang malaman natin kung sang-ayon sa Biblia ang iba't-ibang paniniwalang nabanggit ay mahalagang maunawaan muna kung ano ang batas ng Panginoong Diyos na itinakda Niya sa taong nagkasala. May ganitong sinasabi sa Biblia:
"Hindi papatayin ang mga magulang dahil sa mga anak, ni ang mga anak ay papatayin dahil sa mga magulang; bawa't tao'y papatayin dahil sa kaniyang sariling kasalanan" (Deut. 24:16).
Ito ang batas ng Panginoong Diyos sa pagbabayad ng tao sa nagawang kasalanan─ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan. At kung sino ang nagkasala ay siyang dapat magbayad. Kaya, ang sabi: "... bawa't tao'y papatayin dahil sa kaniyang sariling kasalanan". Kahit magulang ay di maaaring magbayad para sa kasalanang nagawa ng anak, at kahit ang anak ay hindi maaaring magbayad para sa kasalanang nagawa ng magulang. Labag sa batas ng Diyos, kung gayon, na iba ang magbayad sa kasalanang nagawa ng isang tao. Ang batas na ito ay hindi nagbago kahit na nang dumating ang panahong Cristiano:
"Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; datapuwa't ang kaloob na walang bayad ng Dios ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin" (Roma 6:23).
Ang kamatayang kabayaran ng kasalanan ay hindi lamang ang pagkalagot ng hininga, sapagkat may ikalawang kamatayang itinakda ang Diyos bilang ganap na kabayaran ng kasalanang nagawa ng tao at ito ay sa dagat-dagatang apoy:
"At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, sa makatuwid ay ang dagatdagatang apoy" (Apoc. 20:14).
Samakatuwid, hindi natatapos ang lahat-lahat sa tao pagdating ng kamatayang pagkalagot ng hininga palibhasa'y ang lahat ng mga tao (maliban sa Panginoong Jesucristo) ay nagkasala:
"Kaya, kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya'y sa pamamagitan ng kasalanan; at sa ganito'y ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng mga tao, sapagka't ang lahat ay nangagkasala" (Roma 5:12).
PAGKAKATAON UPANG MALIGTAS
Ang lahat ng tao ay nakatakda sa parusa ng Diyos bilang kabayaran ng kanilang kasalanan. Subalit, dahil sa kagustuhan din ng Panginoong Diyos na ang tao ay huwag mapahamak, isinugo Niya ang Panginoong Jesucristo upang maging Tagapagligtas tulad ng mababasa sa Gawa 5:31:
Sa pamamagitan ng Panginoong Jesucristo, ang taong nakatakda sa parusa ay nagkaroon ng pagkakataon na maligtas. Subalit, bagaman ang Panginoong Jesucristo ay sinugo ng Diyos upang maging Tagapagligtas, ay ipinagpauna na Niya noong naririto pa Siya sa lupa na hindi Niya sisirain ang kautusan o batas ng Panginoong Diyos:
"Huwag ninyong isiping ako'y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako'y naparito hindi upang sirain, kundi upang ganapin" (Mat. 5:17).
Lagi nating tatandaan ang batas ng Panginoong Diyos na: "...bawa't tao'y papatayin dahil sa kaniyang sariling kasalanan." Malalabag ng Panginoong Jesucristo ang batas na ito ng Diyos kung pananagutan Niya ang kasalanan ng iba. Kaya, tiyak na mali ang sinasabi ng iba na huwag na lamang gagawa ng masama ay maliligtas na. Sapagkat nagkasala ang tao, hinihingi ng kautusan o batas ng Diyos na ito ay bayaran ng kamatayang hindi lamang pagkalagot ng hininga kundi ng ikalawang kamatayan sa dagat-dagatang apoy. Natitiyak din nating mali ang sinasabi ng iba na sumampalataya lamang sa Panginoong Jesucristo ay maliligtas na, sapagkat, tiniyak ng Panginoong Jesucristo na hindi Niya sisirain ang batas ng Panginoong Diyos sa pagbabayad ng tao sa nagawang kasalanan.
ANG KATUWIRAN SA PAGLILIGTAS
Paano magagawa ng Panginoong Jesucristo ang pagliligtas sa taong nagkasala nang hindi malalabag ang batas ng Diyos? Ang kasagutan ay mababasa natin sa Efeso 2:15:
"Na inalis ang pagkakaalit sa pamamagitan ng kaniyang laman, kahit kautusan na may mga batas at ang palatuntunan; upang sa dalawa ay lalangin sa kaniyang sarili ang isang taong bago, sa ganito'y ginagawa ang kapayapaan."
Ito ang ginawa ng Panginoong Jesucristo para mapanagutan Niya ang kasalanan ng mga taong ililigtas Niya. Nilalang Niya ang dalawa upang maging isang taong bago. Alin ang tinutukoy ni Apostol Pablo na "dalawa" na nilalang ng Panginoong Jesucristo sa Kaniyang sarili na maging isang taong bago? Niliwanag ito ng apostol sa kaniyang sulat sa mga Cristianong taga-Colosas:
"At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia" (Col. 1:18).
Ang dalawa na nilalang ng Panginoong Jesucristo upang maging isang taong bago ay Siya (na lumugar bilang ulo) at ang Iglesia (na ginawa naman Niyang katawan). Kaya, nagawang panagutan ng Panginoong Jesucristo ang kasalanan ng mga taong nasa Kaniyang Iglesia nang hindi labag sa katuwiran ng Diyos, sapagkat Siya ang ulo at tagapanagot nito. Katawan Niya ang Iglesia na Kaniyang pinanagutan. Ano ang pangalan ng tunay na Iglesia na pinangunguluhan ng Panginoong Jesucristo? Ang sagot ay mababasa sa Roma 16:16:
"Magbatian kayo ng banal na halik. Lahat ng iglesya ni Cristo ay bumabati sa inyo" (New Pilipino Version).Maling paniniwala rin ang sinasabi ng iba na hindi na kailangan ang pag-anib sa Iglesia Ni Cristosa ikapagtatamo ng kaligtasan. Tanging sa pamamagitan lamang ng tunay na Iglesia na ginawa ng Panginoong Jesucristo na Kaniyang katawan ay mapananagutan Niya ang kasalanan ng Kaniyang ililigtas nang hindi malalabag ang batas o katuwiran ng Diyos ukol sa pagbabayad ng tao sa nagawang kasalanan. Dahil dito, ano ang itinuro ng Tagapagligtas na dapat gawin ng sinumang taong nais na maligtas?
"Ako ang pintuan; sinumang pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas ..." (Revised English Bible, isinalin mula sa Ingles)
Sa talatang ito ay hindi lamang itinuro ng Panginoong Jesucristo na dapat gawin ng tao ang pagpasok sa loob ng kawan para maligtas, kundi, ipinakilala rin Niya na Siya ay hindi nagtatangi ng tao na naghahangad na maligtas. Kaya ang sabi Niya, "...sinumang pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas." Kung mayroon man Siyang itinatangi, ito ay ang kaparaanan─kailangang pumasok ang tao at mapaloob sa kawan. Ang kawan na dapat kapalooban para sa pagtatamo ng kaligtasan ay ang tunay na Iglesia:
"Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito'y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo" (Gawa 20:28, Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles)
NALALAPIT ANG WAKAS
Ang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo ay panatag na umaasa sa kaligtasan sapagkat ang nangako ay ang mismong Tagapagligtas. Kailan matatamo ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo ang kaligtasang ipinangako ng Panginoong Jesucristo? Ang sabi ni Apostol Pablo:
"Ay gayon din naman si Cristo, na inihandog na minsan upang dalhin ang mga kasalanan ng marami, sa ikalawa'y pakikita na hiwalay sa kasalanan, sa ikaliligtas ng mga nagsisipaghintay sa kaniya" (Heb. 9:28).
Ang kaligtasang inaasahan ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo ay sa ikalawang pagparito ng Panginoong Jesucristo o pagdating ng Araw ng Paghuhukom. Matagal pa kaya bago bumalik ang Panginoong Jesucristo? Paano natin malalaman kung malayo pa o malapit na ang Kaniyang pagbabalik?
"At samantalang siya'y nakaupo sa bundok ng mga Olivo, ay nagsilapit sa kaniya ng bukod ang mga alagad, na nagsisipagsabi, Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? at ano ang magiging tanda ng iyong pagparito, at katapusan ng sanglibutan?" (Mat. 24:3)
"Gayon din naman kayo, pagka nangakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, ay talastasin ninyo na siya'y malapit na, nasa mga pintuan nga" (Mat 24:33)
Tiyak ang tugon ng Panginoong Jesucristo sa tanong ng mga alagad Niya: "...pagka nangakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, ay talastasin na siya'y malapit na." Anu-ano ang mga bagay na makikita o mangyayari kapag malapit na ang wakas ng mundo?
"At mangakakarinig kayo ng mga digmaan at mga alingawngaw ng mga digmaan; ingatan ninyo na huwag kayong magulumihanan: sapagka't kinakailangang ito'ymangyari datapuwa't hindi pa ang wakas. Sapagka't magsisitindig ang mga bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at magkakagutom at lilindol sa iba't ibang dako. Datapuwa't ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pasimula ng kahirapan." (Mat. 24:6-8)
Ito ang mga bagay na sinabi ng Panginoong Jesucristo na mangyayari kapag malapit na ang ikalawang pagparito Niya na siya ring katapusan ng sanglibutan. Ang sabi: "At mangakakarinig kayo ng mga digmaan at mga alingawngaw ng mga digmaan." Naganap na ang mga digmaang ito, at ito ay ang mga digmaang sumiklab noong 1914 at 1939 na tinatawag ng kasaysayan na una at ikalawang digmaang pandaigdig. Bakit natin natitiyak na ang mga digmaang nagsimula noong 1914 at 1939 ay ang mga digmaang ipinagpauna ng Panginoong Jesucristo na magaganap kapag malapit na ang katapusan ng sanlibutan? Sapagkat, ang mga digmaang ibinabala Niya ay susundan ng pagkakagutom, paglindol sa iba't-ibang dako, at paglaganap ng kahirapan na iyon nga ang nakita natin sa pangyayari. Kaya, napakalapit na ng pagbabalik ng Panginoong Jesucristo na siya ring wakas ng mundong ito. Napakalapit na ng paghuhukom na itinakda ng Panginoong Diyos. Para tayo'y makatiyak ng pagtatamo ng kaligtasan pagdating ng araw na yaon, ay dapat nating sundin ang tinuro ng Panginoong Jesucristo─ang pagpasok sa Kaniyang Iglesia.
No comments:
Post a Comment